Hiniling ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I na payagan siyang hindi personal na dumalo sa nakatakda niyang confirmation of charges hearing na magsisimula sa Pebrero 23.

Sa kanyang inihaing mosyon, iginiit ni Duterte na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.

Aniya, nananatili ang kanyang posisyon na walang kapangyarihan ang pandaigdigang hukuman na litisin siya kaugnay ng mga alegasyong may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga noong siya ay nanunungkulan bilang pangulo.

--Ads--

Pinabulaanan din ng dating pangulo ang mga paratang na pinangasiwaan o inaprubahan niya ang extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs.

Mariin niyang itinanggi ang akusasyong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya, at muling iginiit na layunin ng kanyang administrasyon na sugpuin ang iligal na droga at kriminalidad.

Ang ICC ay nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas sa panahon ng kampanya kontra droga.

Bagama’t kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019, iginiit ng ICC na may hurisdiksyon pa rin ito sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang bansa.