Dagupan City – Nakabawas sa trust rating ni President Ferdinand Marcos Jr. ang hindi natupad na timeline nito sa Flood Control Anomaly sa pangunguna ng Independent Commission for Infrastructure.

Ayon kay political analyst Atty. Michael Henry Yusingco, ang mga pangakong hindi umaayon sa realidad ay nagiging dahilan ng pagkadismaya ng publiko.

Dito na binitawan ni Yusingco ang “Waste of time” na tumutukoy umano sa kakulangan ng malinaw at kongkretong resulta sa itinakdang panahon.

--Ads--

Mensahe ni Yusingco sa publiko, kung tunay na naghahanap ng katiyakan at malinaw na direksiyon sa mga kasong may kinalaman sa katiwalian, mas mainam umanong tutukan ang Ombudsman.

Aniya, ang Ombudsman at ang mga prosecutor ang may pinaka-makatotohanang larawan kung paano talaga umuusad ang paglilitis laban sa mga tiwaling opisyal, dahil sila lamang ang direktang nag-uusap at humahawak ng mga kaso.

Ipinahayag din ni Yusingco ang kanyang pagkabahala na patuloy na natatabunan ang mga kaso laban sa mga tinaguriang “big fish.” Dagdag niya, madalas ay nagugulat na lamang ang publiko kapag nalalamang abswelto o may acquittal na ang mga sangkot.

Ayon pa kay Yusingco, ang ganitong kalakaran ay maaari lamang mabasag sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay at pagbubulabog sa Ombudsman upang matiyak na hindi napapalampas ang pananagutan ng mga may kapangyarihan.