DAGUPAN CITY- Nag-ugat sa hindi magandang pamamalakad ni ex-Prime minister François Bayrou ang pag-rally ng mga political groups sa Paris, France.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, kabilang sa ikinagalit ng mga protesters ay ang pagtanggal ng dalawang public national holiday na tinuturing nilang sagrado at ang 40 billion euro budget cut sa social spending na kanilang ikinakatakot na makakaapekto sa mahahalagang social services.
Gayunpaman, hindi na bago ang karahasan sa mga rally na isinasagawa sa nasabing bansa kaya hindi na nila ikinabigla ang pagkasunog ng isang gusali.
Bagaman hindi pa ito malalala kumpara sa mga nagdaang rally subalit, kung hindi ito masosolusyonan ng pamahalaan ay hindi ito malabong lumala.
Naniniwala naman si Valdez na alam ng mga nagpoprotesta ang maaaring patunguhan ng kanilang mga kilos.
Sigaw naman ng mga protesters ang “Block Everything Movement” bilang panawagang pagkadismaya rin kay France President Emmanuel Macron sa pagtalaga kay Sebastien Lecornu bilang bagong Prime Minister.
Samantala, inaabisuhan ng mga awtoridad ang publiko sa bansa ang pag-iwas sa mga lugar kung saan nangyayari ang kilos-protesta.
Samantala, ayon naman kay Leo Brisenio, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, humuhupa na ang sitwasyon kumpara sa matinding tension kamakailan.
Aniya, ginawang harang sa pagpasok ng mga sasakyan ang pagsunog ng mga basurahan at sasakyan.
Naging mabilis ang pagresponde ng mga kapulisan kung saan umabot na sa hindi bababa sa 450 protesters ang naaresto.
Naramdaman man ang presensya ng mga protesters subalit, hindi naman ito umano gaano nakaapekto sa mga serbisyo.
Tinuturing naman itong krisis para sa publiko na maaapektuhan ang kanilang benepisyo.