Umabot sa kabuuang 3929 na mga confiscated, captured, surrendered, deposited, abandoned and forfieted firearms o (CCSDAF) ang iprinisenta ng Pangasinan Police Provincial Office sa isinagawang Turn-over Ceremony nito para sa safe keeping ngayong araw bilang paghahanda sa National and Local Election 2025.
Pinangunahan ito ni Pcol. Rollyfer Capoquian ang Provincial Director ng PPO, kasama si PBGen. Lou F. Evangelista ang Regional Director ng Police Regional Police Office 1, Pltcol. Regina Abanales ang Officer in Charge ng Regional Civil Security Unit, ilang mga PNP Regional Officials at mga PNP Provincial Officials upang saksihan ang ganitong gawain.
Ayon kay Provincial Director Pcol. Rollyfer Capoquian sa ginanap na press conference na nasa 2910 ang mga deposited firearms habang ang mga confiscated firearms ay nasa 1019 kaya mayroong kabuuang 3929 CCSDAF.
Aniya na ang kanilang iprinisenta na bilang ay may kaugnayan sa patuloy nilang pagtutok sa Revitalized Oplan Katok ng kapulisan para makumpiska ang mga unregistered at paso ang lisensya ng kanilang mga firearms.
Dagdag nito na patuloy ang kanilang ginagawang oplan katok sa mga nagmamay-ari ng baril para mapaaalalahanan ang mga ito na maiparenew, maipalisensya, maideposit o surrender sa pangangalaga ng kapulisan upang hindi na magamit sa maling gawain.
Kaugnay nito, ayon naman kay Regional Director PBGEN. Lou F. Evangelista, na patuloy ang pagkatok ng kanilang hanay sa bawat firearms owners para sumunod sa batas sa tamang pagpaparehistro ng mga baril para sa kapakanan ng bawat indibidwal sa Rehiyon Uno lalo pa’t nakatutok sila sa kaligtasan ng bawat mamamayan ngayong papalapit na ang eleksyon.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo kay Pltcol. Regina Abanales ang Officer-in-Charge ng Regional Civil Security Unit na mapapasakamay sa kanilang pangangalaga ang ilang firearms upang ipadala sa Camp Crame para sa demilitarizition.
Aniya na ito ang kauna-unahang may nagturn-over sa kanila dahil noon ay wala pang pasilidad na maaring pag-lagyan ng mga ito ngunit ngayon ay mayroon na sila at isa pa na dating Chief ng nasabing Unit si Pcol. Capoquian kaya alam niya ang kanyang gagawin dito.
Sa ngayon ang Pangasinan Police Provincial Office pa lamang ang mayroong ganitong inisyatiba para sa mga loose firearms dahil wala pang nakikipag-ugnayan sa kanila na ibang probinsya.