Dagupan City – Sumailalim ang higit 1,400 mga Operators and Drivers Association (TODA) members sa bayan ng Mangaldan sa sampung araw na cash-for-work program ng Department of Labor and Employment.

Ang mga tricycle drivers ay sumailalim sa profiling at validation sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment Central Pangasinan Field Office (DOLE-CPFO).

Ang programang ito ay sa pamumuno ni Pangasinan Fourth District Representative Cong. Christopher “Toff” VP. De Venecia na may pondong higit na Php 6 milyon sa pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno, para sa mga matatanggap na benepisyaryo na siyang sasailalim sa sampung araw na cash-for-work program ng DOLE.

--Ads--

Humalili naman bilang kinatawan ng alkalde si Community Affairs Officer (CAO) Designate Samuel Soriano na siyang nagparating ng pasasalamat ng alkalde sa tanggapan ni Cong. Toff at sa pamunuan ng DOLE Central Pangasinan Field Office.

Binigyang-diin naman ng Public Employment Service Office (PESO) na tanging mga rehistradong miyembro ng TODA at may mga permit lamang ang kwalipikadong sumailalim sa nasabing profiling.

Samantala, hinikayat naman ng lokal na pamahalaan na magparehistro na ang mga “colorum” tricycle drivers sa bayan upang makatanggap din ng mga benepisyo tulad ng TUPAD.

Nakatakdang magawaran ang mga TUPAD beneficiary’s ng kabuuang Php 4,350 sa sampung araw na kanilang isasagawang community service sa kanilang barangay. At nakatakdang tumanggap din ng bawat benepisyaryo ng personal protective equipments (PPEs) gaya ng TUPAD sweatshirts at sumbrero. Nakapaloob din sila sa Group Personal Accident Insurance (GPAI) sa ilalim ng Government Service Insurance System (GSIS).