Patuloy ang pagtaas ng interes ng publiko sa herbal at natural treatments, dulot ng impluwensya ng tradisyon, kultura, at social media.
Subalit, paalala ni Dr. Wilsky Delfin, isang natural health at herbalist consultant, na hindi maaaring gawing complementary o kapalit ng conventional treatment ang herbal medicine, lalo na sa mga may malulubhang kondisyon.
Ayon kay Dr. Delfin, bagama’t ang “natural” ay tumutukoy sa mga produktong galing sa halaman o iba pang likas na sangkap, hindi ito awtomatikong nangangahulugang ligtas.
Maaaring magdulot ang herbal medicine ng side effects, allergic reactions, toxicity, o interaksiyon sa ibang gamot kung mali ang dosage o sobra ang paggamit.
Aniya may ilang herbal medicines na may suportang siyentipikong pag-aaral at maaaring makatulong sa mild na sintomas, ngunit hindi ito dapat ituring na kapalit ng prescribed medication para sa mga malubhang kondisyon gaya ng diabetes, hypertension, sakit sa puso, impeksiyon, at kanser.
Dagdag pa niya, mahalaga ang tamang paraan at tagal ng paggamit ng herbal treatments, at nararapat na i-disclose ito sa doktor upang maiwasan ang posibleng drug interactions, lalo na sa mga umiinom ng maintenance medicines, buntis, matatanda, at may chronic illness.
Sa gitna ng pagkalat ng mga “miracle cure” claims online, hinikayat ni Dr. Delfin ang publiko na maging mapanuri at umasa sa mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa health professionals.










