DAGUPAN CITY — Kulungan ang bagsak ng dalawang indibidwal matapos silang maaresto ng kapulisan sa isinagawa nilang anti-illegal drugs operation sa bayan ng Mangaldan.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Roldan Cabatan, Officer-in-Charge ng Mangaldan Municipal Police Station, sinabi nito na naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina Alyas “Omay”, 30-anyos, isang Street Level Individual, at si Alyas “Jake”, 39-anyos, sa Brgy. Poblacion sa naturang bayan.


Nakumpiska mula sa kanilang pangangalaga ang 17 piraso ng heat-sealed transparent, blue plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu na may bigat na 14 grams, at nagkakahalaga ng P95,200.

--Ads--


Sa kanilang imbestigasyon at batay na rin sa mga nakuhang impormasyon ng kanilang intelligence operatives, ang dalawang suspek ay ilan lamang sa mga drug personalities na nagsu-supply ng ipinagbabawal na droga sa bayan ng Mangaldan kaya naman ikinasa nila ang buy-bust operation laban sa dalawa.


Sa kasalukuyan ay nananatili sa kustodiya ng himpilan ng Mangaldan Municipal Police Station ang mga naarestong suspek at nahaharap naman ang mga ito sa Illegal Possession at Selling of Dangerous Drugs sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang hinihintay na lamang ang ilalabas na commitment order laban sa dalawa.


Samantala, ito naman na ang ika-siyam na drug buy-bust operation na ikinasa ng kapulisan ng bayan ng Mangaldan ngayong taon bilang bahagi ng nagpapatuloy nilang kampanya laban sa ilegal na droga at sa mandato ni Provincial Director PCol. Jeff Fanged.