DAGUPAN CITY – Nahaharap sa kaukulang kaso ang 38 katao kabilang ang isang Brgy. Kagawad at apat na mga Brgy. Tanod sa dalawang magkahiwalay na Barangay sa bayan ng Malasiqui.

Ito’y matapos ireklamo ng mga biyahero ng pangingikil kasabay ng umiiral na extreme enhanced community quarantine sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt Col. Marceliano Desamito Jr., OIC-COP ng Malasiqui PNP bago ang isinagawang entrapment operation laban sa mga suspek ay naiparating ang reklamo kaugnay sa illegal na ginagawang pangongolekta ng pera sa ilang mga farm sa kanilang nasasakupan at sa mga binibiling mga manok na makakalabas pasok sa Brgy Palapar Norte at Lareg Lareg kaya naman agad itong beniripika ng kapulisan na nagpositibo base na rin sa kanilang ginawang monitoring sa naturang mga indibidwal.

--Ads--

Sa ngayon ang mga suspek ay nasampahan na ng mga kasong violation of graft and corruption, robbery extortion at paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act kaugnay parin sa nagpapatuloy na implementasyon ng Extreme enhanced community quarantine dito sa probinsya ng Pangasinan.