DAGUPAN CITY- Idineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang opisyal na pagsisimula ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat sa bansa, matapos ang tuluyang pagkawala ng easterlies sa weather system na isang senyales ng paglipat ng hangin mula silangan tungong kanluran.
Ayon kay Weather Observer Jun Soriano ng PAGASA Dagupan, bagaman umpisa na ng hanging habagat na karaniwang umiiral mula Hunyo hanggang Oktubre, ay hindi pa ito nangangahulugang pormal na ang panahon ng tag-ulan.
Aniya na may sinusunod na batayan ang PAGASA bago opisyal na ideklarang tag-ulan.
Kinakailangang umanong makapagtala ng sunod-sunod na pag-ulan na may sukat na hindi bababa sa 25 millimeters sa loob ng limang araw sa hindi bababa sa isa sa 15 istasyon sa kanlurang bahagi ng bansa.
Normal sa habagat ang walang pinipiling oras ng buhos ng ulan, at maaring maranasan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, lalo na sa mababang lugar na posibleng makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Habang may ilang bahagi pa rin ng bansa ang nakakaranas ng maalinsangang easterlies, inaasahang tuluyang papasok ang hanging habagat sa mga susunod na araw.
Dagdag pa ni Soriano, ang hanging habagat ay hudyat ng mas basang panahon, taliwas sa malamig na hanging amihan na karaniwang umiiral mula Oktubre hanggang Abril.
Sa kasalukuyan, patuloy ang monitoring ng PAGASA para sa posibleng deklarasyon ng tag-ulan, lalo na sa gitna ng pagbabago ng klima dulot ng El Niño at La Niña phenomena.