Inihayag ni Gener Quitlong, weather specialist ng PAGASA, na bagamat wala nang bagyo at nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong Pilandok, may hatak pa rin ito na maaaring makaapekto sa panahon.

Ayon kay Quitlong, aktibo at malakas ang habagat, dahilan upang mabilis ang paggalaw ng mga kaulapan. Dahil dito, maaari pa ring makaranas ng mga pag-ulan sa ilang lugar.

Aniya, posible ring maulit ang naging lagay ng panahon kahapon kung saan maaraw sa umaga ngunit pagsapit ng hapon ay nakaranas ng sunod-sunod na pag-ulan.

--Ads--

Paliwanag ni Quitlong, ang mga pag-ulan na nararanasan sa kasalukuyan ay epekto pa rin ng aktibong habagat.

Inaasahan na muling makararanas ng pag-ulan ngayong araw kaya pinapayuhan ang publiko na magdala ng payong bilang proteksyon kapag lalabas ng bahay.

Nanawagan din si Quitlong sa publiko na patuloy na abangan ang mga abiso at update mula sa PAGASA kaugnay ng lagay ng panahon.

Samantala, wala namang nakataas na gale warning sa lalawigan.