Grupo ng mga mangingisda, patuloy ang paglaot sa kabila ng ‘No Trespassing Policy’ ng China

50

BOMBO DAGUPAN — Hindi pa rin nagpapaapekto ang ilang mga mangingisda sa paglaot sa kabila ng ‘No Trespassing Policy’ ng China.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Cuaresma, President ng New Masinloc Fisherman’s Association, sinabi nito na bagamat may takot sila ay ipinagpapatuloy pa rin nila ang kanilang pangingisda.

Aniya na malayo kasi sila sa bahagi ng dagat kung saan nagpapatrolya ang Chinese Coast Guard.

--Ads--

Gayunpaman, labis naman na apektado ang kanilang mga kasamahan na pumapalaot sa bahagi ng Scarborough Shoal upang mangisda.

Idiniin naman nito na hindi rin nila kinikilala ang nasabing polisiya ng China dahil batid nila na ang lugar na kanilang pinangingisdaan ay hindi sakop ng nasabing bansa.

Saad nito na simula sumiklab ang standoff sa pagitan ng Pilipinas at ng China sa West Philippine Sea, partikular na sa bahagi ng Scarborough Shoal, ay nakakapaglaot pa ang mga mangingisda sa nasabing lugar.

Taliwas naman ito sa kanilang sitwasyon ngayon kung saan hindi na sila makalapit sa naturang parte ng karagatan dahil sa pang-aatake ng mga tripulanteng Tsino.

Samantala, naniniwala naman ito na napapanahon na na mas maghigpit pa at paigtingin ng bansa ang ginagawa nitong hakbangin sa paglaban sa mga karahasan ng China.

Ani Cuaresma na bagamat nauunawaan nila na iniiwasan lamang ng bansa na sumiklab ang giyera, ay tila naghihintay din ang Pilipinas na magmula sa China ang unang pagatake upang hindi ang bansa ang pagmulan ng sagupaan.