DAGUPAN CITY- Pagpako sa P20 ang presyo ng bawat kilo ng palay ang panawagan ng mga magsasaka.
Ayon kay Rodel Cabuyaban, magsasaka mula sa Nueva Ecija, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi na nagtiis sa pagmamartsa ang grupo ng mga magsasaka kundi ipinasok na nila sa kongreso ang kanilang panawagan matapos bumababa sa P6-P7 ang kada kilo ng palay sa probinsya ng Isabela, habang P8-P9 naman sa Nueva Ecija.
Aniya, inabot ito buong anihan ng tag-ulan at walang magawa ang mga magsasaka kundi ibenta sa presyong pabor sa mga traders.
Kung hindi naman maibebenta ay mangingitim ang mga inaning palay at tutubo na ito dahil sa pagkabasa.
Sa kasalukuyang sitwasyon, luging lugi na ang mga magsasaka dahil hindi naman nakakabawi mula sa pangungutang na may 30% interest, gayundin kung sariling pera ang ginastos.
Gayunpaman, iba naman ang paniniwala ni Cabuyaban para maibigay ang win-win situation sa presyo ng palay at bigas.
Aniya, hindi makakaapekto sa mga konsumer ang presyo ng palay kung itatakda ito sa Maximum Suggested Retail Price (MSRP).
Magkakaproblema man ito sa farm inputs subalit hindi naman magiging pasakit sa magsasaka at negosyante.
Bukod pa riyan, 100% na pondohan ng gobyerno ang pangangailangan ng mga magsasaka at bilhin ang mga inaning palay.
Sa pamamaraan naman na ito, maibebenta ito ng gobyerno sa magandang presyo.
Saad pa niya, makakabuti sa lokal na produksyon kung hindi lamang mga may kooperatibang magsasaka ang may mechanical dryers.