Mga kabombo! Hanggang saan ang kaya mong gawin sa ngalan ng pag-ibig?
Aba! Tila, instant billboard kasi ang kayang gawin ng isang groom!
Paano ba naman, nag-boluntaryo kasi ito na maging isang “human billboard” sa sarili niyang kasal matapos ibenta ang espasyo sa kanyang tuxedo jacket para sa advertisement upang matustusan ang kanilang gastusin.
Ayon sa groom na si Dagobert Renouf, matagal na niyang gustong mapakasalan ang kanyang nobyang si Anna Plynina.
Gayunman, inamin niyang siya ay “completely broke” at muntik nang maging homeless kaya hindi nila kayang magdaos nang maayos na kasal.
Dahil sa determinasyon, nag-post siya sa social media platform noong July, at inanunsiyong nagbebenta siya ng advertising slots sa kanyang isusuot na suit.
Naging viral ang kanyang post, hanggang sa 26 na startup companies ang bumili ng slot, at nakalikom siya ng kabuuang $10,000.
Noong October 25, ikinasal sina Dagobert at Anna sa harap ng 16 na bisita. Suot ni Dagobert ang jacket na puno ng logo ng 26 na kompanyang tumulong sa kanila.
Ayon kay Renouf, hindi muna pumayag ang kanyang asawa sa ideya, ngunit kalaunan, sinuportahan din siya nito bilang paraan upang maisama ang kanyang entrepreneurship community sa kanilang espesyal na araw.
Gayunman, ibinunyag ni Renouf na hindi napunta sa kanila ang buong $10,000. Ang pagpapagawa pa lang ng jacket na may mga logo ay umabot na sa $5,200, at kinailangan pa niyang magbayad ng buwis na $2,500.
Sa huli, sinabi niya na ang natira sa kanya ay “isang libreng suit at $2,000”.
Ngunit bukod sa natuloy na kasal, may mas magandang nangyari.
Dahil sa kanyang dedikasyon at pagiging madiskarte, isang entrepreneur na nakakita sa kanyang ginawa ang humanga at nag-alok sa kanya ng trabaho sa isang startup company sa New York.










