DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Isa ka rin ba sa mga taong ang motto ay mamuhay ng simple?

Naku! Kahahangaan mo ang isang lalaki sa China kung saan pinili niya ang isang payak napamumuhay sa kabila ng kaniyang masaganang buhay.

Umani kasi ng pansin at paghanga online ang isa sa pinakakilalang mathematician ng China, si Wei Dongyi, hindi lamang dahil sa kanyang pambihirang talino sa matematika kundi dahil din sa kanyang sobrang simpleng pamumuhay.

--Ads--

Ayon sa mga analyst, sinasabing umaabot lamang sa 300 yuan o halos ₱2,400 kada buwan ang kanyang gastusin.

Nakilala siya sa buong China noong siya ay nasa high school pa lamang matapos niyang makamit ang gold medals na may perpektong iskor sa ika-49 at ika-50 International Mathematical Olympiads.

Ngunit sa kabila ng kanyang katalinuhan, mas nakatawag ng pansin sa publiko ang kanyang pagiging simple at walang pakialam sa panlabas na anyo.

Naging viral si Wei matapos mapanood sa isang video na may gusot na buhok, di pantay na ngipin, at suot ang napaka-simpleng damit habang may dalang malaking bote ng tubig at plastik na bag ng steamed buns.