Arestado ang isang ginang na isa umanong notorious na magnanakaw sa iba’t ibang bayan dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Nakilala ang suspek na si Marlyn Valdez 42 anyos at residente mula sa bayan ng Bayambang.

Ayon sa mga otoridad, naaktuhan mismo ang pagnanakaw ng ginang sa pamilihang bayan sa Basista kung saan dalawang sling bag na naglalaman ng libo libong pera ang tinangkang tangayin nito.

--Ads--

Nakita umano ng isang negosyante ang ginawa ng suspek kaya’t agad na inireport ito sa pulisya. Nang kapkapan, nakuha pa sa kanya ang 2 sache ng hinihinalang shabu.

Lumalabas naman sa imbistigasyon ng mga otoridad na isang notorious na magnanakaw ang ginang. Dumadayo pa umano ito sa iba’t ibang bayan upang makapagnakaw at karamihan sa kanyang mga nabibiktima ay mga negosyante.

Kasalukuyan ng nakakulong ang ginang at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.