Dagupan City – Tinawag na magandang unang hakbang ang ginagawang pagpulong ni US President Donald Trump sa dalawang lider mula Russia at Ukraine.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joy Matanguihan, Phil-Am Legal Services Head sa Alaska, USA, inilahad nito ang ilang mahahalagang detalye kaugnay ng naging pulong nina dating US President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin na ginanap sa Alaska.
Ayon kay Atty. Matanguihan, bagama’t wala pang pormal na ceasefire agreement na nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine, ngunit nagpapakita ito ng pagiging bukas ng dalawang bansa sa posibilidad.
Dito na niya binigyang-diin niya na may mahalagang papel si Trump sa naunang pagtaguyod ng mga ceasefire sa iba’t ibang bahagi ng mundo gaya ng sa pagitan ng Congo at Rwanda, gayundin sa mga bansang Israel at Palestine noong kanyang panunungkulan.
Inilahad rin niya ang goal ni Trump, kasama ang mga miyembro ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na makamit ang ceasefire o kapayapaan na hinahangad ng buong mundo.
Dagdag pa niya, mahirap man ang usapang pangkapayapaan, magiging mas kapaki-pakinabang ito sa panig ng Russia lalo’t maaari itong humantong sa isang peace treaty na alinsunod sa international law.
Ikinatuwa rin ni Atty. Matanguihan ang balitang nalalapit na pakikipagkita ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky sa mga kinatawan ng kapayapaan.
Aniya, ang layunin ni Trump sa pakikipag-usap sa Ukraine ay hindi lamang upang alamin ang kanilang panig, kundi upang magkaroon din ng direktang komunikasyon sa Russia.
Nilinaw rin ni nito na hindi ito basta-bastang usapan lamang. Dahil kailangan ng maingat na pag-aaral at payo mula sa mga eksperto upang maging epektibo ang negosasyon.
Aniya, malaki ang magiging epekto nito sa buong mundo, lalo na’t kinikilala ang Estados Unidos bilang isa sa mga pinakamakapangyarihang bansa sa mundo.
Samantala, kanyang sinariwa ang panahon ni dating Pangulong Joe Biden kung kailan umano humina ang puwersang militar ng Amerika.
Sa kabila nito, nilinaw niyang patuloy na nagsisilbing instrumento ang Estados Unidos sa pagtaguyod ng mga kasunduang pangkapayapaan sa iba’t ibang panig ng mundo.