BOMBO DAGUPAN – Muling dumalo si Gerald Santos sa pagdinig ng isang komite sa Senado, at pinangalan ang musical director na nanghalay umano sa kaniya noong 15-anyos pa lang siya.
Sa ulat nitong Martes, nagpatuloy ang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, tungkol sa umano’y nangyayaring sexual harassment sa showbiz at media.
Bukod sa muling tinalakay ang alegasyon ni Sandro Muhlach laban sa independent contractors na si Jojo Nones at Richard Cruz, humarap din muli sa pagdinig si Gerald at tinukoy niya si Danny Tan, ang musical director na inaakusahan niyang humalay sa kaniya noong 15-anyos pa lang siya.
Kaugnay nito ay nagpasalamat si Gerald sa kanyang network sa ginawang pag-aksyon nito sa kaniyang reklamo at pagsibak kay Tan.
Aniya ay isang kaluwagan sa kaniya noong malaman ang ginawang pagsibak dito.
Sinabi pa niya na kung naabisuhan sana sila noong 2011 sa naging resulta ng imbestigasyon ng network ay posibleng nakapagsampa na sila ng kaso noon laban kay Tan.