Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian ng agarang pagpapalakas ng mga mental health programs matapos ang nakakabahalang pagtaas ng kaso ng suicide sa Metro, Manila ngayong taon.
Batay sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), higit sa doble ang itinaas ng suicide cases sa unang tatlong buwan ng 2026. Mula Enero 1 hanggang Marso 23, umabot sa 111 ang naitalang kaso—halos tatlong beses kumpara sa 38 kaso sa kaparehong panahon noong 2025.
“Sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng suicide sa bansa, mahalagang patatagin natin ang mga programang magtataguyod sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan, lalo na pagdating sa mental health,” ani Gatchalian.
Ayon sa senador, mas lalong kinakailangan ngayon ang mental health support dahil sa umiiral na mga krisis na direktang nakaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Binanggit din ni Gatchalian na may nakalaang P742.6 milyon sa ilalim ng 2026 national budget para sa pagpapatupad ng Mental Health Program alinsunod sa Republic Act No. 11036.
Gayunman, iginiit niya na hindi sapat ang pondo kung hindi mapapabilis at mapapalawak ang implementasyon ng mga serbisyo, lalo na sa mga komunidad na may mataas na panganib.
Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso, binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangan ng mas koordinadong hakbang mula sa pamahalaan at iba’t ibang sektor upang maiwasan ang mas marami pang trahedya.
Nanawagan din siya ng mas agresibong kampanya sa awareness, access sa counseling, at community-based interventions upang matugunan ang lumalalang mental health crisis sa bansa.










