Isang startup bioscience company mula sa Shenzen, China ang nag-anunsiyo na nakabuo sila ng isang tableta na teoretikal na maaaring magpahaba ng buhay ng tao hanggang 150 taon.
Ayon sa kompanyang Lonvi Biosciences, ang kanilang bagong gamot ay tina-target ang mga tinatawag na “zombie cells.”
Ito ay mga tumatandang cells sa katawan na hindi na nahahati ngunit patuloy na nagdudulot ng inflammation.
Pahayag ng CEO “Ito ay hindi lang basta ordinaryong tableta. Ito ang ‘Holy Grail’.”
Dagdag pa niya, ang pangunahing sangkap ng gamot ay hindi lang nakapagpapahaba ng buhay, kundi nakababawas din ng mga sakit na may kinalaman sa pagtanda.
Naniniwala naman ang mga ito na ang mabuhay hanggang 150 ay talagang realistic, at ayon sa chief technology officer ng kompanya “Sa loob ng ilang taon, ito na ang magiging reyalidad.”
Ang nasabing gamot ay nakabase sa procyanidin C1 (PCC1), isang molecule na nakita sa mga buto ng ubas (grape seeds).
Ang PCC1 ay una nang naiugnay sa mas mahabang buhay sa mga daga.
Sa sariling pag-aaral ng kompanya, ang mga daga sa laboratoryo na binigyan ng kanilang formulation ay nabuhay ng 9.4 percent na mas matagal overall, at 64.2 percent na mas matagal mula sa unang araw ng gamutan.
Ang balitang ito ay lumabas kasabay ng tumataas na interes sa longevity o pagpapahaba ng buhay sa China.
Ayon kay Gan Yu, co-founder ng isa pang kompanya ng longevity sa Shanghai, “Dati, walang nagsasalita tungkol sa longevity sa China, mga mayayamang Westerners lang.
Ngayon, maraming Chinese na ang interesado para pahabain ang kanilang buhay.









