Itutuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y flood control scam sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso sa Hulyo 27, sa sandaling pormal nang mabuo ang komite, ayon kay Senador Erwin Tulfo.
Sa isang panayam, sinabi ni Tulfo na hindi pa maaaring magsagawa ng pagdinig ang Blue Ribbon dahil kailangan munang maitalaga ang mga miyembro nito sa unang araw ng sesyon kasabay ng State of the Nation Address (SONA).
Ayon sa senador, kabilang sa mga unang tatalakayin ng komite ang isyu ng flood control projects. Gayunman, iginiit niyang dapat magkaroon ng mga bagong personalidad na papanagutin at hindi lamang maulit ang mga pangalang dati nang isinangkot sa naunang ulat ng Blue Ribbon Committee.
Sinabi rin ni Tulfo na magpapatupad siya ng mga bagong panuntunan sa komite, kabilang ang mas mahigpit na beripikasyon ng mga affidavit at pagbabawal sa mga “surprise witness,” upang maging mas maayos ang mga pagdinig.
Kasabay ng pagpapatuloy ng imbestigasyon, isinusulong din ni Tulfo ang pagpasa ng Senate Bill No. 1360 o ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act, na layong bumuo ng pangmatagalang national infrastructure masterplan upang hindi na maimpluwensiyahan ng pulitika ang pagpili at pagpapatupad ng mga proyekto.
Ayon sa senador, ang pagkakalantad ng umano’y anomalya sa flood control ay nagsilbing pagkakataon upang matukoy ang ugat ng paulit-ulit na pagbaha at mga problemang pang-imprastruktura sa bansa.
Ipinaliwanag niyang sa ilalim ng panukalang MIND Act, magkakaroon ng iisang pambansang plano para sa lahat ng proyektong pang-imprastruktura upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga ito anuman ang administrasyong nakaupo at maiwasan ang pag-uulit ng mga proyekto at pag-aaksaya ng pondo ng pamahalaan.










