Inihayag ng Municipal Traffic Operations Office (MTOO) ng Manaoag na mayroon silang ginawa na flexible work schedule at planong pagtatayo ng mga drinking stations para sa kanilang tauhan upang maibsan ang epekto ng matinding init ng panahon.

Ayon kay Crisanto De Guzman, pinuno ng nasabing opisina, mahalaga ang mga hakbang na ito upang maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga traffic enforcers.

Ipinaliwanag niya na ang flexible work schedule ay nakabatay sa bilang ng mga bisita at rush hour sa bayan, lalo na tuwing weekdays at weekend na siyang araw ng simba sa Our lady of the Holy Rosary of Manaoag na isa sa mga dinarayo sa bayan.

--Ads--

Sa mga araw ng lunes hanggang Biyernes na may kaunting bisita, ang iskedyul ng kanilang tauhan sa umaga ay 6:00 AM – 10:00 habang sa hapon ay 2:00 PM – 6:00 PM.

Ngunit tuwing weekend, nagsisimula sila ng umaga sa 8:30 AM – 12:30 PM habang sa hapon at 2:30 PM – 6:30 PM dahil sa inaasahang pagdagsa ng tao na bumibisita sa lugar.

Malaking tulong din aniya ang suporta ng kapulisan sa pagbabantay ng trapiko sa mga lugar na walang nakatalagang enforcer at kapag hindi pa sila nakapwesto.

Nasa kabuuang 30 ang bilang ng traffic enforcers ng Manaoag ngunit ang bilang na ito ay kulang pa dahil sa dami ng bisita lalo pa’t dinarayo ang bayan ng ilang turista kaya humihiling pa rin sila ng karagdagang mga enforcer upang masiguro ang maayos na pagbabantay sa trapiko, lalo na sa mga oras na mataas ang volume ng mga sasakyan.

Samantala, dahil sa matinding init, naghain na rin ang tanggapan ng kahilingan sa alkalde para sa pagbili ng mga tumblers para sa bawat enforcer at pagtatayo ng mga drinking stations sa iba’t ibang pwesto upang matiyak ang kanilang pagiging hydrated at layunin din nito na magkaroon ng mabilis na access ng tubig upang hindi mapabayaan ang kanilang pwesto at maiwasan din ang mga insidente ng heat stroke.

Sa loob ng tatlong taon ni De Guzman bilang pinuno, wala pa naman aniyang naitalang kaso ng heat stroke sa hanay ng mga traffic enforcers dahil sa kanilang pag-papaalala at payo upang hindi maisa-alang-alang ang kanilang kalusugan.