Dagupan City – Hindi nagpatinag ang Filipino Community at mga residente sa California sa paghahatid ng tulong sa mga residenteng apektado ng wildfire sa Los Angeles.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Edna Amante Peck, Bombo International News Correspondent sa California, sa kabila kasi ng biglaang pagkalat ng malawakang apoy, hindi naman nag-atubiling tumulong ang mga residente sa lugar.

Kung saan, kabilang si Peck sa mga residenteng agad na naghanda ng mga maaring maipamahagi gaya na lamang ng pagkain, at mga pangunahing pangangailangan ng mga apektado.

--Ads--

Sa katunayan aniya, isa sa mga nasunugan ng tahanan ay ang kaniyang kaibigan kung kaya’t ganoon na lamang din ang kanilang pag-aalala.

Sa kabila nito, hindi naman aniya nagpapabaya ang kanilang pamahalaan dahil sinisiguro rin ng mga ito ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente.

Batay sa ulat, umabot na sa mahigit 37,000 mga residente ng Los Angeles, Calabasas, Malibu at Pacific Palisades ganun din sa Topanga Canyon sa Los Angeles County ang inatasan ng mga otoridad na lumikas dahil sa patuloy na wildifre.

Bagama’t malamig naman ang panahon sa lugar, mabilis pa rin aniyang kumalat ang apoy dahil na rin sa malakas na hangin.
Pakiusap naman ito sa publiko, partikular na sa mga apektadong inidbidwal na mas palakasin ang pagdarasal sa kanilang kaligtasan dahil nahihirapan na rin ang mga bumbero sa estado.