Nabigyan ng pagkakataon ang Filipino community sa Marriott Marquis Queen’s Park Hotel sa Bangkok, Thailand upang makadaupang-palad si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang pagdalo nito sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2022.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Jibb Otida, ang tumatayong Vice President ng Partido Federal ng Pilipino Overseas Filipino Workers Thailand Chapter (PFP OFW Thailand Chapter), sinabi nito na una nito ay nakipagpulong sila kasama si Department of Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople kaugnay ng mga usapin na tatalakayin ni Pangulong Marcos sa kanyang naturang pagbisita, gaya na lamang ng mga proyektong naglalayong makapagbigay ng tulong sa mga Pilipino, lalong lalo na sa mga guro na nagtatrabaho sa Thailand.


Aniya na labis ang kanilang excitement sa pagkakataon na naibigay sa kanila lalo na’t limitado lamang ang mga indibidwal na pinayagang makapasok sa nasabing hotel.

--Ads--


Dagdag nya na base sa analytics ay nasa higit-kumulang 11,000 na mga OFWs ang nais na makita si Pangulong Marcos, subalit para na rin sa seguridad nito at ilan pang health at safety protocols ng hotel ay mas mababa pa sa 1,000 mga Pilipino lamang ang nakadalo sa event.


Kaugnay nito ay labis naman nilang ikinatuwa ang binitiwang mensahe ng Punong Ehekutibo sa kanyang talumpati kung saan ay binigyang-diin nito ang pagtatatag ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Thailand, na matagal nang hinihiling ng mga OFW sa naturang bansa.


Sinabi ni Otida na sa pamamagitan nito ay matutugunan ng mas mabilis ang mga problemang kinahaharap ng mga OFW sa Thailand, kumpara noon na tanging mga iba’t ibang Filipino communities lamang ang nalalapitan at nasasandalan ng bawat isa sa tuwing may problema silang kinahaharap.