DAGUPAN CITY- Nakakaranas ngayon ang Israel ng kakulangan ng manpower sa care-giving simula nang tumigil ang Pilipinas na magpadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jay-C Cruz, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa, umaabot na lamang sa halos 30% ang mga caregiver sa bansa at ang 70% ay napauwi na sa Pilipinas matapos ang serye ng repatriation.

Hiling ni Cruz na muling magbukas ang Pilipinas sa pagpapadala ng mga panibagong manggagawa dahil aniya, mas gusto ng mga Hudyo ang mga Pilipino na mag-alaga sa kanilang pamilya.

--Ads--

Sa pamamaraaang ito, makakatulong din naman para sa pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.

Hindi na rin dapat ikabahala pa ang kalagayan sa Israel dahil aniya, mas nagkakaroon na ng katahimikan kumpara sa nagdaang taon.

Tiniyak din ni Cruz na hindi sila pinapabayaan ng gobyerno ng Israel.

Hindi pa man tuluyang natatapos ang kaguluhan subalit, marami na ang mga ligtas na lugar sa Israel, maliban na lamang sa mga malapit sa borders.

Samantala, wala pa silang malinaw na balita hinggil sa ceasefire na ipapatupad sa pagitan ng Israel at Hamas.

Gayunpaman, umaasa sila na maibalik na ngayon taon ang mga natitirang bihag ng Hamas.