Ipinamalas ni Filipina tennis sensation Alex Eala ang matibay na determinasyon at husay sa court matapos niyang talunin ang Japanese player na si Himeno Sakatsume, 6-4, 6-0, sa Round of 16 ng WTA 125 Philippine Women’s Open 2026 na ginanap nitong Miyerkules, Enero 28.
Sa unang set, nagkaroon ng dikitang palitan ng puntos ang dalawang manlalaro, ngunit nanaig ang mas maayos na baseline play at composure ni Eala upang selyuhan ang set sa iskor na 6-4.
Pagsapit ng ikalawang set, tuluyang namayagpag ang 20-anyos na Filipina, kung saan hindi na siya nagpatinag at hindi na pinapuntos ang kalaban upang tapusin ang laban sa isang dominanteng 6-0 sweep.
Dahil sa panalong ito, opisyal nang umabante si Eala sa quarterfinals ng torneo, isang mahalagang hakbang sa kaniyang kampanya sa prestihiyosong home-court competition.
Ang WTA 125 Philippine Women’s Open ay itinuturing na mahalagang torneo para sa mga manlalarong naghahangad na umangat sa world rankings, at ang pag-abot ni Eala sa quarterfinals ay nagdadala ng pag-asa at inspirasyon sa mga Pilipinong tennis fans.










