Dagupan City – Iginiit ng political analyst, na karapatan ng bawat mamamayan ang paghahain ng ethics complaint laban sa isang mambabatas, kabilang si Senator Bato Dela Rosa.
Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, walang sinuman ang maaaring pumigil sa isang pribadong indibidwal na magsampa ng reklamo kung ito ay may batayan.
Aniya, ang paghahain ng ethics complaint ay isang lehitimong remedyo sa ilalim ng umiiral na proseso ng batas.
Dagdag pa niya, may mga pagkakataon umanong hindi umuusad ang ilang ethics complaint dahil sa kultura ng pagbibigayan o proteksyunan sa loob ng institusyon.
Dito na binigyang diin ni Yusingco na mahalagang suriin nang mabuti ang nilalaman ng reklamo.
Umaasa rin ito kay Senator JV Ejercito na tiyaking nakabatay sa merito at detalye ng complaint ang anumang magiging desisyon nito at huwag sanang isantabi lamang ito dahil kapwa senador ang nirereklamo.
Dagdag pa niya, may pananagutan ang mga halal na opisyal sa publiko, lalo’t tinatayang umaabot sa halos dalawang milyong piso kada araw ang ginagastos ng taumbayan para sa serbisyo ng isang senador.
Dahil dito, makatarungan lamang aniya na asahan ng publiko ang kanilang pagdalo at pakikilahok sa mga pagdinig kung kinakailangan.
Samantala, nauna nang nagpahayag si Senator Imee Marcos na hindi niya nakikitang tama ang paghahain ng ethics complaint laban kay Dela Rosa.
Ayon sa kanya, mas mahalagang matiyak ang proteksyon upang makapagpatuloy sa trabaho sa Senado ang senador.










