Inihayag ni US President Donald Trump na matagumpay na naisagawa ng militar ng Estados Unidos ang isa sa pinaka-mapangahas na search and rescue operations sa kasaysayan ng bansa.

Nailigtas na ang ikalawang crew member—isang opisyal na Colonel—na natunton sa bulubunduking bahagi ng Iran matapos umanong matugis ng mga puwersa ng kalaban.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pagpapadala ng dose-dosenang sasakyang panghimpapawid na may dalang mabibigat na armas, habang patuloy na mino-monitor ang lokasyon ng sundalo hanggang sa ligtas itong makuha.

--Ads--

Ayon pa sa Pangulo, nauna nang nailigtas ang unang piloto sa hiwalay na operasyon na hindi agad isinapubliko upang matiyak ang tagumpay ng ikalawang rescue mission.

Kung maaalala, isang F-15 Strike Eagle ng U.S. ang napatumba sa timog-kanlurang Iran matapos tamaan ng putok mula sa puwersa ng Iran. Nakapag-eject ang dalawang sakay ng eroplano—ang isa ay agad na nasagip, habang ang isa pa ay matagal na hinanap sa gitna ng mapanganib na kondisyon sa teritoryo ng kalaban.