Mas lalong lumala ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos bombahin ng Estados Unidos ang tatlong pangunahing nuclear site sa Iran, na ngayon ay itinuturing na isang direktang paglahok ng Amerika sa lumalawak na Israel-Iran conflict.
Kinumpirma ni U.S. President Donald Trump, na kasalukuyang may aktibong papel sa mga operasyong militar, na ang mga pasilidad para sa nuclear enrichment ng Iran ay “tuluyang winasak” ng isinagawang mga airstrike.
Sa isang pahayag, binalaan niya ang Tehran na makipagkasundo na para sa kapayapaan o harapin ang mas malalalang pag-atake sa hinaharap.
Bilang tugon, mariing kinondena naman ng Iran ang mga airstrike.
Ayon sa kanilang foreign minister, ang hakbang ng Amerika ay isang outrageous attack at nagbabala ito ng ‘everlasting consequences’.
Samantala, tiniyak ng United Nations nuclear watchdog na wala silang naitalang pagtaas sa antas ng radiation sa mga lugar na tinamaan ng bomba, indikasyong hindi pa ito nagdulot ng agarang nuclear hazard.
Patuloy naman na nagmamatyag ang international community sa mabilis na pag-init ng tensyon sa rehiyon, habang nananawagan ang ilang bansa ng agarang de-eskalasyon upang maiwasan ang mas malawak na digmaan.