DAGUPAN CITY- Hindi naman gaano mabigat ang eligibility na ibibigay ng Civil Service Commission (CSC) sa mga kabataan na nakapagserbisyo ng buong tatlong taon ng termino bilang opisyal ng Sangguniang Kabataan, ayon sa isang eksperto.

Ayon kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, first level o non-professional/sub-professional category lamang ang eligibility na ibibigay ng ahensya.

Aniya, hindi ito nangangahulugang may makukuha agad na trabaho ang isang indibidwal na mayroon nito.

--Ads--

Bagkus, bahagi lamang ito ng credentials na maaaring magamit sa pagkuha ng trabaho sa ilalim ng gobyerno.

At para makaangat ang mga ito sa second level ng eligibility, kinakailangan pa rin nilang sumailalim sa pagsusulit.

Ipinaliwanag naman ni Arao na pumapasok ang mga kabataan sa Sangguniang Kabataan sa layuning may ambisyon ang mga ito na magkaroon ng karera sa politika.

Bagaman kilala ang mga ito sa pagkakaroon ng hindi matibay na adbokasiya, mayroon pa rin mga SK officials na tunay sa kanilang hangarin na makapagsilbi sa publiko.

Marami man nagnanais na tanggalin na ito, mayroon pa rin itong mahalagang papel sa mga kabataan pagdating sa politika.

Samantala, hindi nakikita ni Prof. Arao ang kahalagahan ng pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.

Aniya, kailangan gawan ng paraan ng Commission on Elections (COMELEC) na matuloy na ito kung itatakda sa susunod na taon.