Unti-unti nang nakikita ang positibong resulta sa dumpsite ng Dagupan City dahil sa mga hakbangin ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, tuloy-tuloy ang pagbili ng mga truck na maghahakot ng basura upang mapabilis ang paglilinis nito.
Target ng lokal na pamahalaan na matapos ang Phase 1 ng proyekto ngayong taon at nagpapatuloy naman ang Phase 2.
Dagdag pa niya, kung walang naging problema sa budget noong mga nakaraang taon, maaaring tapos na sana ang rehabilitasyon ng dumpsite.
Kasabay nito, patuloy ang paghakot ng basura at pag-aalaga sa mga pananim sa lugar, dahil plano itong gawing isang “fun site” na posibleng maging isa sa mga atraksyon ng Dagupan sa sandaling matapos ang proyekto.
Ipinahayag din ng alkalde na 90% ng mga barangay sa Dagupan ay nagsasagawa na ng waste segregation, na nagpapagaan sa pangongolekta ng basura sa buong lungsod.
Sa Kabilang Banda, dumalo kahapon si Mayor Fernandez sa Asean Future Cities and Regions: Inclusivity and Sustainability Conference sa Kuala Lumpur, Malaysia, upang ibahagi ang mga hakbang na ginagawa ng Dagupan City, kabilang na ang progreso ng dumpsite.
Ang kumperensya ay dinaluhan ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa na nagbahagi ng kanilang mga “best practices” bilang suporta sa ASEAN Vision, na naglalayong makatulong sa buong mundo.