DAGUPAN CITY- Pinaigting na ng barangay Poblacion Oeste sa lungsod ng Dagupan ang pagsasaayos at paglilinis ng kanilang mga kanal at daluyan ng tubig bilang paghahanda sa inaasahang pag-ulan ss mga susunod na buwan.
Sa ngayon, nagsimula nang mag-declog o magtanggal ng bara sa mga drainage system sa pangunguna ng pamunuan ng barangay upang maiwasan ang matinding pagbaha sa lugar.
Ayon kay Brgy Captain Mark Anthony “Macmac” Gutierrez, taun-taon isinasagawa ang gawaing ito bilang bahagi ng regular na preventive measures laban sa baha.
Gayunman, aminado silang hindi pa rin maiiwasan ang pag-apaw ng tubig, lalo na kapag sabay na tumatama ang malakas na ulan at high tide sa lugar.
Sa kasalukuyan, ilang bahagi pa rin ng barangay ang patuloy na nakararanas ng bahagyang pagbaha.
Isa sa mga pangunahing problemang tinututukan ngayon ay ang Careenan Creek, na kahit sa mga panahong walang ulan ay madalas nang bumabaha.