Handa umano si Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo na akuin ng pormal ang tungkulin bilang pinuno ng Food and Drug Administration (FDA) Philippines.
Ito aniya ay kung bibigyan siya ng pagkakataon na pamunuan ang nabanggit na tanggapan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Domingo inamin nito na ikinagulat niya ang pagkakatalaga nito bilang pansamantalang director general ng FDA.
Aniya, hindi nito inaasahan na siya ang pipiliin at ilalagay dito ngunit giit naman ni Domingo na handa umano nitong yakapin ng buo ang katungkulang ibinigay sa kanya.
Kaugnay naman nito, nagpasalamat naman si Domingo sa tiwala at kumpiyansang ibinigay sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte. Tiniyak niyang susuklian niya at gagawin ang lahat ng makakaya sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya.
Si Domingo ay pansamantalang magsisilbing officer-in-charge sa FDA makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak sa pwesto kay Charade Puno bilang FDA director general dahil umano sa pagkakasangkot sa katiwalian.