Binigyang linaw ng Department of Health (DOH) Region 1 ang COVID-19 record high na naitala sa lalawigan ng Pangasinan kahapon.

Sinabi ni Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region 1, sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, na ito umano ay resulta ng pinaigting na contact tracing sa mga inidibidwal na nagpositibo sa nabanggit na sakit.

Aniya, marami sa mga bagong talang kaso ay nagkaroon ng exposure sa mga COVID-19 positive na mga pasyente.

--Ads--

Ito ay paniniguro sa publikong maayos ang mga isinasagawang contact tracing ng mga Local Government Units (LGUs) bilang kasama sa preventive measures na itinalaga sa bansa.

Kaugnay ito ng naidagdag na 49 na COVID-19 cases sa lalawigan sa loob lamang ng 24 na oras, kasama na ang lungsod ng Dagupan na isang chartered City.

Iginiit din ng DOH Region 1 na ang pagluluwag ng pamahalaan sa mga quarantine restrictions ay hindi nangangahulugang tapos na ang pakikipaglaban sa COVID-19.

Ani Bobis, patuloy umano ang pagpapaalala nila sa publiko na sumunod pa rin sa mga panuntunang ibinaba nila sa mga lokal na pamahalaan.

Binigyang linaw din nito na ang pagkakaroon ng bakuna kontra sa nasambit na sakit ay hindi nangangahulugan na agaran ng mawawala ang mga kasong naitatala.

Kailangan aniyang mabakunahan muna ang 60%-70% ng populasyon sa bansa.

Dagdag nito, habang hinihintay na mabakunahan ang naturang dami ng tao ay kailangan pa ring sundin ang mga minimum public health standards.