Dagupan City – Naka–Code White Alert ang Department of Health (DOH) Region I kaugnay ng paggunita ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.

Ang alert status ay ipinatutupad mula Disyembre 18 hanggang Enero 5 upang matiyak ang kahandaan ng mga ospital at health facilities sa rehiyon.

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region I, sinisiguro ng mga ospital na may sapat na suplay ng gamot, kagamitang medikal, at health personnel, lalo na para sa mga posibleng biktima ng paputok at iba pang holiday-related injuries.

--Ads--

Sa kasalukuyan, wala pa umanong naitatalang insidente ng firecracker-related injuries sa rehiyon.

Gayunman, nilinaw ni Dr. Bobis na karaniwang inaasahan ang pagdami ng mga ganitong kaso matapos ang mismong Araw ng Pasko at sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Dahil dito, muling nanawagan ang DOH sa publiko na huwag nang gumamit ng paputok.

Mas mainam aniya na makiisa na lamang sa mga fireworks display na isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan o gumamit ng alternatibong pampaingay na mas ligtas at hindi delikado.

Nagbigay rin ng paalala ang DOH ukol sa unang lunas sa mga insidente ng paputok.

Sa mga pagkakataong makalunok ng paputok, mariing ipinayo ni Dr. Bobis na huwag pasusukahin ang biktima.

Sa halip, painumin ito ng anim hanggang walong puti ng itlog at agad dalhin sa pinakamalapit na ospital.

Dagdag pa niya, ang mga biktima ng paputok o naputukan ay nararapat na agad na dalhin sa ospital upang maiwasan ang posibleng impeksyon na maaaring humantong sa malubhang komplikasyon o kamatayan.