DAGUPAN CITY- Matapos muling tumama ang panibagong pagbaha dahil sa bagyo, mahigit isang buwan lamang mula sa huling malawakang pagbaha, naapektuhan ang halos lahat ng barangay sa Calasiao.

Pinakamatinding naapektuhan ang mga barangay ng Mancup, Lasip, Talibaew, at Malabago, base sa datos ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Ayon kay Editha Gorospe ng MSWDO, naitala ang mahigit 300 pamilyang lumikas, katumbas ng mahigit 1,000 indibidwal na nanuluyan sa sakanilang evacuation enter, municipal sports complex, mga simbahan, at barangay evacuation centers.

--Ads--

Sa kabuuan, umabot sa mahigit 20,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo at pagbaha.

Aniya na nagkaisa ang lokal na pamahalaan, DSWD, at mga barangay sa pagbibigay ng agarang tulong, tulad ng food packs at iba pang relief goods.

Gayunpaman, ubos na ang pondo ng barangay para sa disaster response dahil sa sunud-sunod na kalamidad, dahilan kung bakit hirap na silang tugunan ang lahat ng pangangailangan.

Dagdag pa ni Gorospe na patuloy namang minomonitor ang mga nasirang bahay at ang mga pamilyang nangangailangan ng shelter assistance.

Sa kasalukuyan, may 8 pamilya pa rin ang nananatili sa evacuation centers habang ang iba ay patuloy na binibigyan ng tulong sa kanilang pagbabalik sa mga tahanan

Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga residente na agad na lumikas at huwag hintayin pang tumaas ang tubig-baha bago humingi ng tulong.

Layunin nitong maiwasan ang sabayang rescue operations na nagiging hamon para sa mga ahensyang rumesponde.