Iginiit ng Department of Interior and Local Government o DILG Region 1 na naiserve na ang suspension order laban sa kampo nina suspended Urdaneta City Mayor Julio “Rammy” Parayno III at Vice Mayor Jimmy Parayno.

Ayon kay Regional Director Jonathan Paul Leusen Jr. ng DILG Region 1, mayroon nang DILG advisory kung saan nakasaad na nai-serve na ang suspension order sa dalawa noong Jan. 7, 2025, kung kaya’t dapat na umanong mag-assume bilang acting Mayor si No. 1 Councilor Franco Del Prado at bilang acting Vice Mayor si No. 2 Councilor Warren Andrada.

Hinihikayat naman nito ang dalawang konsehal na umakto sa kanilang panibagong tungkulin pansamantala.
Matatandaan na inihayag ng alkalde na naka-sick leave siya noong Jan. 7, 2025, kung kaya’t wala siyang natanggap na suspension order.

--Ads--

Kaya noong Jan. 13, 2025, ay pumasok na sa opisina si Parayno kasabay nang pagdalo niya sa Flag Raising Ceremony at gumanap na sa kanyang mga trabaho sa Office of the City Mayor at nakakuha umano ng letter mula Comelec sa kawalan ng request of authority to suspend.

Ngunit ipinagdiinan ni RD Leusen na suspendido ang alkalde at naipadala ang suspension order sa kanyang kampo sa pamamagitan ng courier at email.

Nag-ugat ang suspension order ng magpinsang Parayno sa isinampang reklamo noong 2022 ni dating Liga ng mga Barangay President Michael Brian Perez.