DAGUPAN CITY- Nagsasagawa na ng symptomatic monitoring ang Department of Health Region 1 para sa pagbabantay kontra sa pagpasok ng sakit na Streptococcal Toxic Shock Syndrome o STSS sa Rehiyon 1.

Matatandaan na nasa 77 na ang nasawi sa sakit na ito sa bansang Japan habang basa higit isang libo na ang naging kaso doon.

Hindi na bago ang sakit na ito dahil mayroon na din umano ito sa Pilipinas kung saan ang natatamaan dito ay mga may sakit na Diabetes at may iba pang comorbidities at mababa ang ang immune system.

--Ads--

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV, DOH – Central Health Development I, na patuloy ang kanilang pagbabantay dito kung saan lahat ng nakakaranas ng mga sintomas ay isinasailalim sa test at isolation upang hindi na sila maexpose o makahawa pa sa iba.

Ibinahagi naman nito na Ang STSS ay isang uri ng sakit na binubuo ng iba’t ibang klaseng bacteria na naglalabas ng toxin sa ating dugo na maaring magdulot ng mga sintomas at iba pang komplikasyon kabilang na dito ang pagkamatay.

Aniya may 3 bacteria ang maaring maging sanhi nito gaya ng Staphylococcus aureus, Streptococcus pyogenes, or Clostridium sordellii.

Kabilang ang sintomas dito ang pagkakaroon ng lagnat, sakit ng ulo, at pagkapagod ng katawan, Maaari ring maranasan ang kakaibang sintomas kagaya ng pagkakaroon ng rashes sa buong katawan at pagbabalat.

Aniya na maaaring makuha ang sakit na STSS sa mga bacteria lalo na kung ikaw ay exposed sa maduming kapaligiran lalo na kung may sugat at makapasok ang bacteria sa dugo.

Nagpaalala naman ito na dalhin kaagad sa pinakamalapit na hospital ang pasyente na nakakaranas ng sintomas upang mabigyan ito kaagad ng antibiotics at upang maisailalim sa test dahil sa loob ng 24-48 na oras lamang ay maaari na itong ikamatay ng pasyente.