Matinding pagkadismaya ang ipinaabot ni Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sa pamahalaan kaugnay ng pagkaantala sa distribusyon ng subsidiya para sa abono, na aniya’y nawalan na ng saysay sa kasalukuyang panahon.

Ayon kay Cainglet, ang nasabing tulong sana ay malaking ginhawa sa mga magsasaka kung ito ay naipamahagi noong buwan ng Mayo, sa panahon ng pagtatanim.

Kung saan aniya ay useless na itong maituturing dahil kung ngayon lamang ibibigay ay wala na itong ‘significant’ o saysay.

--Ads--

Binatikos din ng SINAG ang mga supplier ng abono, na anila’y naglalagay ng mataas na bid sa mga proyekto ngunit hindi naman kayang ihatid ang mga produkto sa tamang oras.

Bilang alternatibong solusyon, iminungkahi ni Cainglet ang pamimigay ng cash voucher sa halip na pisikal na abono.

Sa ganitong paraan, makakapili umano ang mga magsasaka ng de-kalidad na abono na akma sa kanilang pangangailangan.

Sa kabila ng naging aksyon ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na nag-utos na ayusin at kagyat na ipamahagi ang ayuda, iginiit ni Cainglet na huli na ang lahat.

Gayunpaman, nagpahayag siya ng pasasalamat sa kalihim sa pagsusumikap nitong tugunan ang problema.

Samantala, binigyang-diin din niya ang epekto ng rice tariff policy sa sektor ng palay.

Ayon kay Cainglet, kahit ipinagbawal pansamantala ang rice importation sa loob ng 60 araw, nananatiling mababa ang taripa isang sitwasyong patuloy na nagpapahirap sa lokal na magsasaka.

Binanggit din niya ang patuloy na pagdududa sa National Food Authority (NFA), na anila’y “very prone to corruption” at ilang beses nang nasangkot sa mga iregularidad sa mga nakaraang taon.

Sa huli, umaasa siya na magpapatuloy ang panawagan at laban ng mga grupo para sa kapakanan ng mga magsasaka.