Nanindigan ang kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi na kinakailangan ang kanyang arraignment sa impeachment trial, matapos nilang ipaliwanag sa Senado ang kanilang panig.

Sa unang araw ng paglilitis, sinabi ng kampo ng bise presidente na maayos at naging organisado naman daw ang naging takbo ng proseso.

Tutol kasi sila sa naging panukalang arraignment kung saan sana ay mag-eenter ng “guilty” o “not guilty” plea si VP Sara sa bawat articles of impeachment. Pero ayon sa Senado bilang impeachment court, hindi na ito itinuloy.

--Ads--

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, nakatuon sila ngayon sa paghahanda ng kanilang depensa.

Hindi pa rin nakakausap ng legal team si VP Sara matapos ang unang araw ng impeachment trial, pero inaasahan nilang makakausap siya sa mga susunod na araw.

Samantala, hindi pa rin nila napagdedesisyunan kung irerekomenda nila na personal na dumalo ang Bise Presidente sa mga susunod na hearing.

Hindi rin direktang sinagot ng lead defense counsel na si Atty. Shiela Sison kung kumpiyansa ba siyang maipagtatanggol ang kaso ni Duterte, ngunit tiniyak niyang ginagawa nila ang lahat ng kinakailangang paghahanda.