Ipinaliwanag ni Atty. Randy F. Castilan, Chief Operating Officer ng DECORP, ang paggamit ng estimated billing sa mga lugar na hindi naa-access ng mga meter reader dahil sa pagbaha.

Ayon kay Castilan, ginagamit ng kompanya ang average consumption ng nakaraang tatlong buwan bilang batayan sa estimated billing kapag hindi mabasa ang metro. Ang average na ito ay minumultiply sa kasalukuyang rate.

Nilinaw niya na awtomatikong nako-correct ang billing kapag aktuwal nang nabasa ang metro sa susunod na reading cycle.

Maaari ring i-contest o i-protesta ng mga customer ang kanilang bill kung may nakikitang pagkakaiba sa aktuwal nilang konsumo.

Pinapayagan umano ang estimated billing dahil hindi maaaring lumampas sa itinakdang reading cycle ang pagitan ng meter readings. Maaari ring magsumite ang mga customer ng litrato ng kanilang metro bilang karagdagang basehan sa verification.

Samantala, sinabi ni Castilan na ilang lugar lamang na karaniwang malalim ang baha ang naaapektuhan ng estimated billing, kabilang ang ilang bahagi ng Bayambang, Tagudin at Lasip sa Calasiao, kung saan nahihirapang ma-access ng mga meter reader ang mga metro.

Sa kabila ng mga pag-ulan at pagbaha nitong mga nakaraang linggo, sinabi ni Castilan na wala namang malaking pinsala sa mga pasilidad, substation, transmission at distribution lines ng DECORP.

Gayunman, pansamantalang pinuputol ang suplay ng kuryente sa ilang lugar na malalim ang baha bilang safety precaution para sa mga residente at mga personnel na nagsasagawa ng operasyon sa lugar.