DAGUPAN, CITY— Nagbigti ang dating TODA President bunsod ng depresyon dahil sa problema sa pinansyal nang magsimula ang pandemya sa Brgy. Puelay, sa Villasis, Pangasinan.
Ayon sa mga kaanak, umalis lamang sila upang makilibing sa biyanan mismo ng biktimang si Modesto Barnachea, 59-anyos, at nang pag-uwi ay nakabitin na sa kisame ang naturang tricycle driver gamit ang nylon rope.
Inilarawan si Tatay Modesto ng kaniyang mga anak at apo bilang isang mapag-mahal at malambing na ama ngunit ilang buwan na umano itong nababalisa, hindi makausap, ayaw lumabas ng bahay at tila kung anu-ano na rin ang mga sinasabi at nanakit.
Ayon naman kay April Jay Aroyo, anak ng biktima, nag-iwan pa umano ito ng farewell note na nagsasabing patawarin siya ng Panginoon, pati ng kaniyang pamilya, dalawang linggo bago niya kitilin ang kaniyang buhay.
Hinikayat din itong magsabi ng kaniyang mga problema at kumuha ng propesyonal na tulong ngunit panay umano ang tanggi ng biktima.
Samantala, apat na anak, walong apo, kasama ng kaniyang asawa na si Nanay Julita ang mga naulila ni Barnachea.
Ayon naman kay PCapt. Arnel Ocasion, Deputy Chief of Police ng Villasis PS, ito na ang ikalawang beses na may naitalang suicide incident sa nasambit na bayan.
Paalala nila sa publiko na hindi kasagutan ang pagkitil sa sariling buhay para malutas ang ating mga suliranin kaya’t huwag na huwag umano itong gagawin sapagkat matatapos din aniya ang pandemya. (with reports from: Bombo Maegan Equila)