DAGUPAN CITY—Nakabibiglang insidente ang yumanig sa Tokyo matapos mauwi sa dobleng pagkamatay ang umano’y “crime of passion” sa loob ng sikat na Pokémon Center.

Ayon sa ulat ni Bombo International News Correspondent Hanna Galvez, naganap ang insidente sa isang Pokémon Mega Center na matatagpuan sa loob ng isang 60-story building na kilala bilang Sunshine City, partikular sa ikalawang palapag kung saan nagtatrabaho ang biktima.

Dating magkasintahan ang dalawa at nagkaroon ng relasyon nang halos isang taon bago sila naghiwalay noong Hulyo 2025.

--Ads--

Sa ulat, nagtungo ang lalaki sa lugar ng trabaho ng kanyang dating kasintahan noong Marso 26, 2026 at doon siya sinaksak sa leeg.

Matapos ang pag-atake, sinaksak din ng lalaki ang kanyang sarili sa parehong bahagi ng katawan.

Agad na dinala sa ospital ang dalawa ngunit pareho silang idineklarang patay.

Nauna na umanong nai-report sa pulisya ang lalaki dahil sa umano’y stalking simula pa noong Disyembre 2025, at pinayuhan pa ang biktima na lumayo at tumira muna sa mga kamag-anak. Gayunman, nakita pa rin ang lalaki sa paligid ng tirahan ng babae bago naganap ang krimen.

Ayon kay Galvez, itinuturing itong isang bihira at hindi karaniwang pangyayari sa Japan, isang bansang kilala sa pagiging mapayapa at mataas ang tiwala ng publiko—kung saan maging sa mga department store ay walang mahigpit na security checks.

Isinara pansamantala ang lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya, lalo na’t panahon ng bakasyon at dinarayo ito ng maraming bata at turista.

Sa kabila nito, iginiit niya na nananatiling ligtas at mapayapa ang Japan sa pangkalahatan, at ang insidenteng ito ay isang isolated case na may kaugnayan sa personal na relasyon ng biktima at suspek.