Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez sa mga inirerekomendang kasuhan sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa pondo para sa flood control projects.

Ipinaliwanag ni Lacson na kabilang si Romualdez sa ikalawang kategorya ng mga personalidad na nabanggit sa pagdinig—mga indibidwal na ang pangalan ay lumutang sa testimonya ng mga testigo ngunit walang direktang ebidensyang nagpapakita na sila ay tumanggap ng pera.

Aniya, bagama’t inakusahan ng surprise witness na si Orly Guteza ang umano’y pagdadala ng pera kina Zaldy Co at Romualdez, walang naipakitang patunay o direktang ebidensya na tumanggap ng kickback ang dating House Speaker.

--Ads--

Bukod dito, muling nabanggit naman sa Senado ang mga alegasyong nag-uugnay kay Romualdez sa mga contractor na sina Sarah at Curlee Discaya, na sinasabing ginamit umano bilang “front” sa pagbili ng isang high-end na ari-arian sa Makati City.

Gayunman, binigyang-diin ni Lacson na wala ring naisumiteng direktang ebidensya sa pagdinig na magpapatunay sa mga naturang paratang laban kay Romualdez.

Samantala, sinabi ni Lacson na magsasagawa ng pulong ang mga senador mula sa majority bloc upang talakayin ang mga isyung kaugnay sa draft report ng Blue Ribbon Committee, partikular ang kawalan umano ng pirma o partisipasyon ng kahit isang miyembro ng minority bloc.

Aniya, mahalagang may kinatawan mula sa minority, lalo na ang minority leader, upang mapanatili ang kredibilidad at integridad ng ulat bago ito tuluyang pagtibayin ng Senado.