Lumitaw na nasa Stockholm, Sweden ang dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na may kinakaharap na warrant of arrest mula sa Sandiganbayan, base sa isang dokumentong isinumite sa Korte Suprema.
Ayon sa petisyong nakuha, personal na nilagdaan ni Co ang kanyang petition for certiorari noong Enero 15 sa harap ng isang notary public sa Nacka, Sweden, gaya ng pinatutunayan ng kalakip na apostille.
Ang apostille ay sertipikong nagpapatunay sa pagiging lehitimo ng isang pampublikong dokumento, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Sumasalungat ito sa naunang pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na namataan umano si Co sa Lisbon, Portugal.
Si Co ay nahaharap sa mga kasong malversation at graft kaugnay milyon-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, na inihain ng Office of the Ombudsman noong Nobyembre.
Sa kanyang petisyon, humiling si Co ng temporary restraining order laban sa resolusyon ng Ombudsman na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kaso.
Iginiit niya na nilabag ang kanyang karapatan sa due process, kabilang ang umano’y kabiguang ipabatid nang maayos ang mga kaso laban sa kanya.










