DAGUPAN CITY- Dalawang katao ang nasawi habang patuloy na ginagamot ang isa pa matapos masangkot sa isang aksidente sa motorsiklo sa bayan ng Urbiztondo, ayon sa impormasyong ibinahagi ng pulisya.
Ayon kay PLt. Jayson F. Santos, Deputy Chief of Police for Operation, batay sa isinagawang imbestigasyon ng PNP Urbiztondo, nagmula sa pagdiriwang ng Bagong Taon ang mga biktima at bandang alas-tres ng madaling araw umano natapos ang kanilang inuman.
Matapos nito, nagtungo pa ang mga ito sa bayan upang kumain bago magpasiyang umuwi.
Habang pauwi na, nawalan ng kontrol ang sinasakyang motorsiklo at bumagsak sa kalsada hanggang sa bumangga sa mga harang. Tatlo ang sakay ng motorsiklo nang mangyari ang insidente.
Dalawa sa mga ito ang idineklarang dead on arrival sa pagamutan, habang ang ikatlong biktima ay patuloy na inoobserbahan at ginagamot.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang lahat ng sakay ay nakainom ng alak at walang suot na helmet nang mangyari ang aksidente, na itinuturing na isa sa mga pangunahing salik sa insidente.
Agad namang rumesponde ang mga pulis sa lugar ng aksidente matapos makatanggap ng ulat at kaagad ding nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Urbiztondo para sa karampatang tulong at aksyon.
Patuloy namang binibigyang-diin ng PNP Urbiztondo ang kanilang mga hakbang sa paalala at pagpapatupad ng mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada.
Kabilang dito ang information dissemination sa pamamagitan ng social media, pamamahagi ng flyers, pagsasagawa ng mga dayalogo at lecture sa mga barangay, gayundin ang pagpapatupad ng mga checkpoint at operasyon laban sa paglabag sa traffic rules tulad ng hindi pagsusuot ng helmet, kawalan ng reflectorized vest, at pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak.
Muling pinaaalalahanan ng pulisya ang publiko na pairalin ang disiplina at sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng pinsala o pagkasawi, lalo na sa mga panahong may kasiyahan at pagdiriwang.










