DAGUPAN CITY- Nahuli ang isang lalaki sa akto ng pagnanakaw sa isang shopping center sa Brgy. Ambonao dakong alas-dos ng hapon.
Ayon kay Plt. Col Ferdinand Lopez, hepe ng Calasiao PNP, base sa imbestigasyon, nakita sa CCTV footage ang suspek habang unti-unting inilalagay sa kanyang sling bag ang iba’t ibang panindang nagkakahalaga ng ₱15,555.
Ang mga ito ay kinuha mula sa magkakaibang puwesto sa loob ng establisyemento.
Isang duty security guard umano ang nakapansin sa kahina-hinalang kilos ng lalaki, dahilan upang agad siyang arestuhin.
Kinilala ang suspek na 41-anyos na lalaki mula sa Baguio City at nagtatrabaho bilang call center agent.
Dagdag pa ng hepe, walang naitalang kriminal na rekord ang suspek ayon sa paunang beripikasyon ng pulisya.
Samantala, dakong alas-11 ng umaga, nagsagawa ng anti-illegal drug buy-bust operation ang mga operatiba sa Brgy. Nalsian, Calasiao.
Ayon kay Lopez, timbog ang isang 44-anyos na lalaki na residente sa bayan ng Urbiztondo, matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 16 gramo, may halagang ₱108,800.
Nakumpirma sa imbestigasyon na talamak ang pagbebenta ng ilegal na droga ng suspek sa kanilang lugar, ayon na rin sa beripikasyon mula sa Urbiztondo PNP.
Isinasangkot rin umano ang ilang kaanak nito sa mga kaso ng pagnanakaw at ilegal na aktibidad.
Patuloy ang pinaigting na operasyon ng kapulisan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bayan.