Muling nagpaalala ang Sison PNP sa publiko kasunod ng pagkaka-aresto sa dalawang indibidwal matapos tangkaing magbigay ng suhol sa mga miyembro ng kapulisan upang sila ay papasukin sa checkpoint ng Pangasinan-La Union boundary sa bayan ng Sison.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni P/Maj. Resty Ventenilla, hepe ng Sison PNP, na naisagawa ang operasyon sa Brgy. Agat kung saan nag-abot ang dalawang indibidwal ng halagang isang libong piso sa mga pulis na nagbabantay ng checkpoint kaya naman ito narin ang naging hudyat upang arestuhin ang naturang mga indibidwal.

Napag-alaman ng mga otoridad na galing sa bayan ng Tayug ang dalawang babae at plano sana umano ng mga ito na magtungo sa La Union kung sakaling nakalusot ang mga ito sa checkpoint.

--Ads--

Matapos maaresto ang mga ito ay tinangka pa nilang magpalusot at idinahilan na pang meryenda lamang ang kanilang iniabot na pera dahil walang malapit na bilihan ng pagkain sa lugar kung saan nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis.

Sa ngayon ang dalawang indibidwal ay sasampahan ng dalawang magkahiwalay na kaso kabilang na rito ang corruption of public official.

Samantala, kinumpirma naman ng opisyal na mayroong nagnais rin na makapasok sa kanilang nasasakupan na mga indibidwal na galing naman sa lalawigan ng Aurora ngunit agaran din umanong pinauwi at pinabalik ang mga ito sa kanilang pinanggalingan ito ay kasunod parin ng ipinapatupad na extreme enhanced community quarantine sa probinsya ng Pangasinan.