DAGUPAN CITY- ‎Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang mas maayos, malinis at episyenteng pamilihang lungsod na target maisakatuparan ngayong 2026.

Ito ang naging sentro ng talakayan sa isinagawang pulong nitong Biyernes sa pagitan ng city government at ng Market Division Office, kung saan tinalakay ang kasalukuyang sitwasyon at pangangailangan ng Dagupan Market.

‎Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ito ng mas malawak na layunin na mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyong pampubliko.

Ngayong taon, target ng lokal na pamahalaan na higit pang paigtingin ang mga programang naisakatuparan noong nakaraang taon, alinsunod sa adbokasiyang UNLISERBISYO na layong dalhin ang episyente at tuloy-tuloy na serbisyo sa iba’t ibang sektor ng lungsod.

‎Kabilang sa mga hakbang na patuloy na ipinatutupad sa Dagupan Market ang pagpapatibay ng anti-littering force, regular na clearing operations, mga proyektong pang-imprastraktura, at ang pagpapanatili ng kalinisan.

‎Tiniyak naman ng pamahalaang lungsod na magiging tuloy-tuloy ang koordinasyon sa Market Division Office at iba pang kaugnay na tanggapan upang matugunan ang mga hamon sa pamilihan.

‎Patuloy namang hinihikayat ang kooperasyon ng mga vendor at mamamayan upang maging matagumpay ang mga repormang isinusulong sa pamilihang lungsod.

--Ads--