Dagupan City – Pinaigting ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang kampanya kontra ilegal na droga sa lungsod sa pamamagitan ng dalawang pangunahing estratehiya na kasalukuyang ipinatutupad bilang bahagi ng kanilang drug-clearing program.
Layunin ng programa na patuloy na linisin ang mga barangay at tiyaking nananatiling ligtas ang mga komunidad mula sa impluwensya ng ipinagbabawal na gamot.
Unang bahagi ng estratehiya ang supply reduction, na nakatuon sa aktibong operasyon laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa kalakalan ng droga.
Kabilang dito ang sunod-sunod na buy-bust operations, pag-aresto sa mga suspek, at pagpapatupad ng mga search warrant.
Ayon sa DCPO, ito ang nagbigay ng pinakamaraming resulta sa mga nakalipas na linggo, kaya’t patuloy itong tinututukan ng kanilang mga tauhan.
Ikalawa naman ang demand reduction, na nakasentro sa pagtulong at rehabilitasyon ng mga indibidwal na naapektuhan o naging biktima ng ilegal na droga.
Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na tanggapan at mga organisasyong nagsasagawa ng intervention programs upang maiwasan ang muling pagbalik sa bisyo at matulungan silang makabalik sa maayos na pamumuhay.
Base sa ulat ng DCPO, nagpapakita ng malinaw na pag-usad ang kampanya. Patuloy at matagumpay pa rin ang drug-clearing operations mula nang simulan ito noong nakaraang buwan, at nakapagtala na ang pulisya ng malaking bilang ng operasyon at naaresto na suspek.
Tiniyak ng pamunuan ng Dagupan City Police Office na magpapatuloy ang kanilang mas pinaigting na kampanya upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat Dagupeño.










