Nagpaalala ang Dagupan City Engineering Office sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang anumang insidente ng pag-spark o pagkawala ng kuryente, lalo na sa mga lugar na apektado ng pagbaha.
Ayon kay City Engineer Engr. Josephine Corpuz, kapag umabot na ang tubig sa mga electrical switch, agad nila itong ipinapaalam sa DECORP upang sila mismo ang magsagawa ng pagpatay ng suplay ng kuryente bilang hakbang pangkaligtasan.
Sinabi rin ni Corpuz na kung may makitang nag-spark at biglang mawalan ng kuryente, dapat itong agad ireport sa kanilang tanggapan upang makapag-coordinate sila sa DECORP at maisagawa ang kinakailangang aksyon.
Nanawagan naman ang opisyal sa publiko na kung hindi direktang makontak ang DECORP, maaaring tumawag sa Engineering Office upang sila na ang makipag-ugnayan sa electric utility provider.
Hinimok din ang mga residente na huwag basta-basta lumapit o humawak sa mga electrical installation, partikular sa mga lugar na binabaha, upang maiwasan ang panganib ng pagkakuryente.










